PAMAGAT:
Si
MAY-AKDA:
Ang Si ay isinulat ni Bob Ong, isang kilalang Pilipinong manunulat na gumagamit ng sagisag panulat. Hindi niya ibinubunyag ang kanyang tunay na pangalan, pero maraming Pilipino ang humahanga sa kanya dahil sa kakaibang paraan niya ng pagsusulat. Simple, nakakatawa, pero malalim at may kurot sa damdamin. Nagsimula siya bilang web developer at guro, at sumikat noong ginawa niya ang website na Bobong Pinoy. Dito niya unang isinulat ang mga saloobin niya tungkol sa buhay, at kalaunan ay naisalin sa mga aklat. Simula noong 2001, sunod-sunod ang kanyang mga librong inilabas tulad ng ABNKKBSNPLAko?!, Macarthur, Ang mga Kaibigan ni Mama Susan, at Si. Lahat ng ito ay tumatalakay sa buhay ng karaniwang Pilipino na puno ng aral, pagmumuni-muni, at madalas ay may halong katatawanan.
GENRE:
Ang akdang Si ay isang realistic fiction, ibig sabihin, kathang isip ito pero parang totoong nangyari. Tumatalakay ito sa tunay na buhay at damdamin ng tao. May halong romansa dahil kwento ito ng pag ibig ng magkaibigan hanggang sa naging mag asawa sila. Meron ding drama dahil maraming seryoso at emosyonal na bahagi, lalo na yung tungkol sa pamilya at mga pagsubok sa buhay.
LAYUNIN:
Layunin ng akdang ito na ipakita ang iba’t ibang anyo ng pagibig sa buhay ng tao, pag-ibig sa pamilya, kaibigan, at kasintahan at kung paanong ang mga karanasang ito ay humuhubog sa pagkatao ng isang indibidwal habang siya ay tumatanda. Gusto rin ng may-akda na ilarawan ang katotohanan ng mga relasyong pinagdadaanan ng maraming Pilipino sa makabago ngunit emosyonal na paraan.
BUOD:
Ang Si ni Bob Ong ay isang nobelang tumatalakay sa pagibig na makikita sa iba't ibang bahagi ng ating buhay gaya ng sa pamilya, kaibigan, at kasintahan. Ikinuwento ito mula sa pananaw ng pangunahing tauhan na nagsimula bilang isang matanda at unti unting binalikan ang kanyang kabataan. Sa bawat bahagi ng kanyang kwento, makikita ang pagbabago ng kanyang pag iisip habang dumaraan siya sa mga pagsubok sa buhay. Sentro ng kwento ang pagiibigan nila ni Victoria mula sa pagiging magkaibigan, naging magkasintahan, at kalaunan ay nagpakasal at bumuo ng pamilya. Dumaan sila sa mga hamon tulad ng long distance relationship, hindi pagkakaunawaan, at tukso mula sa ibang tao pero nanaig pa rin ang kanilang pagmamahalan. Sa huli, ipinakita rin kung paano nila pinalaki at tinanggap ang kanilang mga anak sa kabila ng mga pagkakamali ng mga ito. Ang nobelang ito ay nagpapakita ng tunay na anyo ng pagibig masaya, masakit, pero totoo at tumatagal sa paglipas ng panahon.
BISA SA ISIP:
Ang Si ni Bob Ong ay nagbukas ng mas malalim na pag unawa namin sa kahulugan ng pag-ibig. Hindi lang pala ito tungkol sa pagiging masaya o kilig sa simula kundi ito rin ay may kasamang sakripisyo, pagtitiis, at matinding pang unawa. Naisip namin habang tumatanda ang isang tao, mas nagbabago rin ang pananaw niya sa mga bagay, lalo na sa pagmamahal. Itinuro rin sa amin ng akda na ang mga karanasan natin sa buhay, maganda man o masakit ay may papel sa kung sino tayo bilang tao. Nakakaengganyo rin ang pagkakalahad ng kwento dahil tila para ka talagang nagbabasa ng totoong buhay ng isang tao, kaya’t mas madali itong kapulutan ng aral.
BISA SA DAMDAMIN:
Habang binabasa namin ang Si, ramdam na ramdam namin ang bawat emosyon ng tagasalaysay. May mga bahagi na nakakatawa, pero bigla ring susundan ng mga tagpong nakakaiyak o nakakalungkot. Naantig kami lalo na sa bahagi ng pagmamahalan nila ni Victoria, kung paanong sa kabila ng lahat ng pagsubok, pinili pa rin nilang manatili sa isa’t isa. Damang dama ko rin ang hirap at saya ng pagiging magulang na inilarawan sa huling bahagi ng kwento. Parang rollercoaster ang emosyon habang binabasa ito may saya, lungkot, kilig, at lungkot na may kasamang pag asa. Isa ito sa mga librong nagpaiyak sa akin hindi dahil sa trahedya kundi dahil sa katotohanang naipakita nito ang tunay na halaga ng pagmamahal at pamilya.
MENSAHE:
Ang mensahe ng kwento ay ang tunay na pag-ibig ay hindi perpekto. May mga pagsubok, may mga pagkakamali, pero kung totoo kayo sa isa’t isa, kakayanin niyong lampasan ang lahat. Mahalaga rin ang pagtanggap, pag unawa, at pagpapatawad sa isang relasyon, lalo na sa pamilya.
TEORYANG PAMPANITIKAN:
Ang teoryang ginamit sa akda ay sosyolohikal dahil nagpapakita ito ng mga karaniwang karanasan ng mga tao sa lipunan, lalo na ng mga Pilipino. Makikita dito kung paano natin pinapahalagahan ang pamilya, kung gaano tayo ka matiisin, at kung paano tayo magmahal nang totoo kahit mahirap.
REAKSYON:
Bilang estudyante, sobrang natuwa kami sa librong ito. Hindi siya boring at hindi rin mahirap intindihin. Parang kinukwento lang sa’yo yung buhay ng isang tao, pero habang tumatagal, damang dama mo na rin yung kwento. Nakakainspire yung relasyon ng mga tauhan. Maraming beses din akong napaisip at napatanong sa sarili ko kung kaya ko ring magmahal ng ganoon. Isa ito sa mga librong gusto kong basahin ulit dahil sa dami ng aral na makukuha mo.